Ika-anim na tao na nakapag-lakad sa ibabaw ng buwan namatay na

By Den Macaranas February 06, 2016 - 09:48 AM

edgar_mitchell_portrait
NASA photo

Kinumpirma ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) na namatay na ang piloto at isa sa mga astronauts ng Apollo 14 na si Edgar Mitchell sa edad na 85.

Si Mitchell ang ika-anim na tao na nakatungtong sa buwan makaraan ang makatagumpay na landing doon ng kanilang Antares lunar module noong February 6 1971.

Namatay si Mitchell sa kanyang pagkakatulog ayon sa report na inilabas ng NASA.

Ang NASA ay naghahanda pa naman sana para sa 45th anniversary ng Apollo 14 landing sa buwan bago ang kamatayan ng isa sa itinuturing nilang pioneer sa lunar aviation history.

Bago si Mitchell, namatay na rin ang kanyang mga kasamahan sa Apollo 14 exploration na sina Stuart Roosa noong 1994 samantalang noong 1998 naman si Alan Shepherd Jr.

Sa kanilang paglalakbay sa buwan mula February 5 hanggang February 9 1971 ay nag-uwi sila sa daigdig ng 100 pounds (45-kilos) ng lunar rock na naging kapaki-pakinabang sa pag-aaral ng NASA.

Bukod sa pagiging piloto at astronaut, kilala rin si Mitchell bilang author ng maraming aklat na may kinalaman sa aviation at space science.

Isa sa pinaka-kontrobersiyal niyang aklat ay ang “The way of the explorer” kung saan kanyang sinabi na naniniwala siyang dinadalaw ang mundo ng ibang mga nilalang mula sa ibang planeta pero hindi pa naman daw niya nakikita ang mga ito.

 

TAGS: Apollo 14, Edgar Mitchell, Moon, NASA, Apollo 14, Edgar Mitchell, Moon, NASA

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.