11 patay, Ilang gusali gumuho sa magnitude 6.4 na lindol sa Taiwan

By Den Macaranas February 06, 2016 - 08:36 AM

Taiwan lindol
AP photo

(Update) Umakyat na sa labing-isa ang bilang ng mga namatay  samantalang maraming iba pa ang nawawala sa naganap na lindol sa Taiwan.

Gumuho rin ang ilang gusali makaraan ang 6.4 magnitude na lindol kaninang madaling-araw.

Sa report ng U.S Geological Survey (USGS), natagpuan ang epicenter ng lindol 300-kilometers Silangan ng Taipei.

Ipinaliwanag ng USGS na bagaman hindi masyadong malakas ang lindol ito naman ay mababaw na may lalim lamang na 10-kilometers kaya maraming gusali ang gumuho partikular na sa lungsod ng Tainan.

Ang Tainan ay nasa ibabaw ng isang active fault line ayon pa sa paliwanag ng USGS.

Sinabi ni President Ma Ying-jeou na umaabot na sa 123 ang bilang ng kanilang na-rescue sa apat na gumuhong gusali sa Tainan samantalang patuloy naman ang paghahanap sa mga nawawala.

Noong 1999 ay umabot sa 2,300 katao ang patay makaraang yanigin ng 7.6 magnitude na lindol ang Taipei.

Samantala, sa ulat ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) ay kanilang sinabi na wala naman silang natanggap na report kung may nasaktan o namatay na Pinoy sa lindol.

Mahigit sa isang-daang libo ang bilang ng mga OFWs at mga Pinoy na naninirahan sa Taiwan.

 

TAGS: lindol, MECO, Tainan, Tiwan earthquake, lindol, MECO, Tainan, Tiwan earthquake

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.