Makati City, nakapagtala ng 14 kumpirmadong kaso ng COVID-19
Kinumpimra ni Makati City Mayor Abigail Binay na nasa 14 ang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa lungsod.
Sa Facebook video, sinabi ni Binay na naitala ang nasabing bilang ng COVID-19 case hanggang 4:00, Linggo ng hapon (March 15).
Kasabay nito, naglabas ng Executive Order no. 10 ang alkalde para ipatupad ang social distancing sa lungsod para maiwasan ang paglaganap ng virus.
Nakasaad din aniya sa EO ang pagsasara ng pasilidad at establiyemento kabilang ang malls, bars, KTV, theaters, gym at iba pa.
Mananatili namang bukas ang mga grocery store, pharmacy, 24/7 convenience store, bangko at restaurant, ngunit maaari lamang mag-take out o delivery.
Bukas din aniya ang mga hotel at condotel ngunit ang mga restaurant nito ay bukas para lamang sa kanilang mga bisita.
Para sa iba pang establisyemento, maaaring magbukas basta kailangan aniyang siguraduhing mahigpit na paiiralin ang social distancing o isang metro ang layo sa isang tao.
Samantala, ipatutupad naman ang curfew sa lungsod epektibo sa Lunes, March 16.
Magsisimula ang curfew bandang 8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng madaling-araw.
Ito aniya ang napagkasunduang oras at natalakay ng lahat ng Metro Manila mayors.
Hindi naman aniya sakop ng curfew ang mga call center agent, may trabaho, health worker, pupunta sa airport, skeletal force ng Makati City Hall.
Tiniyak pa nito na tuluy-tuloy pa rin ang disinfection sa lahat ng high-traffic areas tulad ng mga eskwelahan simula noong Pebrero.
Mag-iimplementa pa rin aniya ng “Ocho Ocho” sa mga common area para mag-disinfect mula 8:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.