Sa kabila kasi anila ng mga paalala ng South American countries sa kanilang mga kababaihan na iwasan muna ang mabuntis para kontrolin ang mga hindi magandang epekto ng Zika, wala naman umanong inaalok ang gobyerno ng paraan para magawa ito.
May ilang mga bansa na ang naglabas ng ganitong paalala sa mga kababaihan dahil sa idinudulot na microcephaly, o ang underdeveloped na utak sa mga sanggol sanhi ng Zika virus.
Ayon sa tagapagsalita ng UN human rights office na si Cecile Pouilly, hindi madali na kontrolin ang pagbubuntis kung wala naman silang pagpipilian para maisakatuparan ito.
Batid kasi na karamihan sa mga bansang apektado ay mga conservative na Katoliko, kung saan napakahigpit ng mga batas tungkol sa contraception at abortion.
Ayon naman kay UN human rights chief Zeid Ra’ad al-Hussein, isinasantabi ng ganitong paalala ang realidad na mahirap para sa mga babae na kontrolin ito, lalo na kung sila ay nasa isang lugar kung saan talamak ang sexual violence.
Kaya giit ni Zeid, ang ganitong paalala ng mga gobyerno ay may kaakibat na abot-kamay na reproductive health services para sa mga kababaihan at mga kalalakihan, kasama na rin ng tamang impormasyon na walang halong diskriminasyon.
Kabilang na aniya dito ang contraception, maternal healthcare at ligtas na abortion services.
Dapat na rin aniyang pag-aralan ang mga batas o polisiyang naglalayo sa mga kababaihan ng mga serbisyong kailangan nila para matiyak ang mabuting kalusugan.