Panukala para tugunan ang epekto sa ekonomiya ng COVID-19, inihain sa Kamara

Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nag-positibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa bansa, inihain ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang panukalang naglalayong maglaan ng halos P200 bilyong piso para tapatan ang negatibong epekto ng outbreak ng sakit pagdating sa ekonomiya.

Sa ilalim ng 2020 Economic Rescue Plan ni Quimbo, inilalatag ang P180-billion fiscal package stimulus na huhugutin mula sa National Treasury bilang karagdagang pondo at budgetary requirements para sa Fiscal Year (FY) 2020 budget.

Sa ilalim ng panukala, P43 bilyon ang ilalaan para sa assistance at promotion ng tourism sector; P15 bilyon para sa tulong na ibibigay sa mga displaced worker, emergency assistance at transporation vouchers; at P50 bilyon para naman sa loan packages at subsidies sa business sector.

Nakasaad din sa panukala ang pagtatag ng isang Inter-Agency Task Force na siyang babalangkas ng fiscal stimulus package at magma-manage sa paggamit ng pondo.

Bubuoin ito ng mga kinatawan mula sa National Development Economic Authority (NEDA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Finance (DOF), at Department of Budget and Management (DBM).

Nauna nang inaprubahan ng Kamara bago ang kanilang Lenten break ang P1.65 bilyong supplemental budget para sa laban ng pamahalaan kontra COVID-19.

Read more...