Purisima, sinampahan ng bagong kasong kriminal

By Kathleen Betina Aenlle February 06, 2016 - 04:40 AM

alan-purisimaNahaharap sa panibagong kasong kriminal ang pinatalsik na Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima dahil sa umano’y pagiging isa sa mga responsable sa Mamasapano encounter.

Kinasuhan ng usurpation of authority ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) si Purisima dahil sa umano’y pangingialam niya sa “Oplan Exodus” na isinagawa ng mga Special Action Force (SAF) troopers para madakip ang teroristang si Zuklifli bin Hir alyas Marwan sa Mamasapano, Maguindanao.

Matatandaang si Purisima ay under preventive suspension bago pa mangyari ang Mamasapano incident kaya wala na dapat siyang kapangyarihan sa operasyon ng mga SAF commandos na bagaman naging matagumpay, ikinamatay naman ito ng 44 sa kanila.

Ayon kay VACC Chairman Dante Jimenez, ang kanilang isinampang kaso laban kay Purisima ay bilang paghahanda pa lamang sa mga serye ng kasong isasampa naman nila laban kay Pangulong Aquino.

Giit ni Jimenez, suportado nila ang sinasabi ni Sen. Juan Ponce Enrile na si Pangulong Noynoy Aquino ang pangunahing responsable sa hindi magandang kinalabasan ng Mamasapano encounter.

Bukod dito, una nang may isinampang mga kasong neglect of duty laban sa kanila ni dating SAF director Getulio Napeñas at walo pang ibang opisyal ng pulis kaugnay dito.

TAGS: alan purisima, mamasapano incident, saf 44, alan purisima, mamasapano incident, saf 44

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.