Misa sa lahat ng simbahang sakop ng Archdiocese ng Maynila kanselado na simula bukas
Suspendido na simula bukas, March 14 ang lahat ng misa sa mga simbahan na sakop ng Archdiocese of Manila.
Sa pastoral letter ni Apostolic Administrator of Manila archdiocese Bishop Broderick Pabillo, tatagal ang suspensyon ng mga misa hanggang sa March 20.
Ginawa ang pasya kasunod ng pagtataas ng CODE Red sublevel 2 dahil sa COVID-19.
Sinabi ni Pabillo na sa ngayon ay exempted muna ang mga mananampalataya sa kanilang obligasyon na dumalo sa misa.
Walang idaraos na public celebration ng Banal na Misa at wala ring idaraos na public activities sa mga simbahan sa loob ng nasabing mga petsa.
Kasabay nito, iniutos ni Pabillo ang sabayang pagpapatunog ng kampana sa mga simbahan tuwing ika-12 ng tanghali, at ika-8 ng gabi.
Hudyat ito sa publiko para sabayang dasalin ang Oratio Imperata para malabanan ang COVID-19.
Kailangan ding manatiling bukas ang mga simbahan para sa mga taong gustong magtungo doon upang magdasal.
Mahalaga lamang na may mga sanitizer sa bukana ng simbahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.