Lockdown order sa Senado, iniutos ni Sen. Sotto

Naka-lockdown na ang Senado at magsasagawa ng disinfection sa araw ng Huwebes, matapos magpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) ang isang naimbitahang resource person sa isang pagdinig noong nakaraang Marso 5.

Ito ang inanunsiyo ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III at aniya, ipinaalam na sa kanya ni Sen. Sherwin Gatchalian na ito ay magse-self quarantine dahil sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Basic Education humarap ang may taglay ng Coronavirus.

Sinabi din ni Sotto na ipinakakansela na rin niya ang nakatakdang pagdinig sa March 12 ng Blue Ribbon Committee ni Sen. Richard Gordon kaugnay naman sa POGO-related crimes, partikular na ang money laundering.

Ibinahagi nito na mismong ang nag-positibo sa COVID-19 ang tumawag kay Gatchalian at sinabi nito ang kanyang kondisyon gayundin ng kanyang asawa.

Nabatid na sinimulan na ring suriin ang CCTV footages sa naturang pagdinig para malaman kung sinu-sino ang mga nakasalamuha ng resource person, gayundin ang mga nakatabi nito sa pagdinig.

Ayon kay Sotto, iaanunsiyo na lang nila kung matutuloy pa ang pagdinig ng ilang komite ngayong naka-Lenteng break ang Kongreso.

Humingi na rin ito ng paumanhin sa mga dapat na magtutungo sa Senado dahil sa iba’t ibang pangangailangan.

Read more...