Provisional authority upang hindi magsara ang ABS-CBN, ipagkakaloob ng NTC
Siniguro ng National Telecomminications Commission (NTC) na hindi hihinto ang broadcast ng Lopez-led ABS-CBN kahit na mapaso na ang prangkisa nito sa May 4.
Sa meeting ng House Committee on Legislative Franchises, sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na susundin anila ang legal opinion ng Department of Justice (DOJ).
Sabi ni Cordoba, magpapalabas sila ng provisional authority pero hindi pa ito sa ngayon.
Ilalabas anya nila ito kapag malapit nang mag-expire ang prangkisa ng network.
Tumanggi naman na si Cordoba na talakayin ang ilang legal matters dahil sa umiiral na sub-judice rule bunsod ng nakatakdang pagtalakay naman ng Korte Suprema sa quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay sa franchise renewal dahil umano sa ilang mga nalabag ng network.
Iginiit din ng NTC na magkakaroon ng legal basis ang pag-isyu nila ng provisional authority kung maglalabas ng concurrent resolution para dito ang Kamara.
Pero sabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano, hindi na ito kailangan dahil magiging comfort letter lamang ito.
In-adopt naman ng komite ang kanilang naunang liham sa regulatory body upamng mabigyan ng pansamantalang awtoridad ang network upang makapag-ere.
Sinabi naman ni Palawan Rep. Franz Alvarez, mayroon ng pitong position paper ang naisumite sa kanila mula sa pro at anti-ABS-CBN franchise renewal.
Binibigyan naman ang mga nais pang magsumite ng kanilang position papers hanggang April 15.
Mayroong 11 panukalang batas sa Kamara upang ma-renew ang prangkisa ng broadcast giant.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.