Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na sapat ang suplay ng tubig sa Metro Manila sa gitna ng panawagan ng Department of Health (DOH) na palaging maghugas ng kamay at maging malinis para makaiwas sa COVID-19.
Ayon sa pangulo, ito ay dahil sa ilalaban niya sa korte ang konstruksyon ng Kaliwa at Wawa Dam projects na mahigpit na tinutulan ng mga environmentalists.
Ayon sa pangulo, kawawa ang susunod na presidente kung hindi maitatayo ang Wawa at Kaliwa Dam dahil papatayin siya ng mga tao dahil sa kawalan ng suplay ng tubig.
Hindi aniya madadala o madadaan sa legal na usapin ang problema sa tubig.
Umaasa naman ang pangulo na maiintindihan siya ng mga judge at justices.
Banta pa ni Pangulong Duterte, gagawin niyang industrialized ang water industry at ang pamahalaan ang gagawa ng konstruksyon kapag hindi pa naayos ang isyu.
Sa ngayon, ilang lugar sa Metro Manila ang nakararanas ng water service interruption dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig.
Aabot sa P12.2 bilyon ang Kaliwa Dam project na naglalayong magtayo ng water reservoir sa pagitan ng Rizal at Quezon at popondohan ng China.
Tinutulan ito ng environmentalist group na Haribon dahil sa pangambang masisira ang Sierra Madre samantalang ang Wawa bulk water supply project naman ay popondohan ng negosyanteng si Enrique Razon ng P20 bilyon.