Quezon niyanig ng 7 magkakasunod na lindol
(UPDATE) Nakapagtala ng limang magkakasunod na lindol sa lalawigan ng Quezon simula madaling araw ng Biyernes.
Pinakamalakas ang naitalang magnitude 4.9 na lindol ng Phivolcs sa bayan ng Buenavista alas 6:41 ng umaga na unang sinukat ng US Geological Survey (USGS) na magnitude 5.1.
Ayon sa Phivolcs, ang epicenter ng pagyanig ay naitala sa 15 km West ng bayan ng Buenavista na may lalim na 10 kilometers.
Sa datos ng Phivolcs, naramdaman ang intensity 4 sa bayan ng Guinayangan, intensity 3 sa bayan ng Lopez, intensity 2 sa Gumaca, at intensity 1 sa Rosario at Mulanay.
Bago ang nasabing pagyanig, apat na magkakasunod na lindol na ang naitala ng Phivolcs sa lalawigan ng Quezon.
Unang naitala ng Philvocs ang magnitude 2.9 na lindol sa 10 km East ng bayan ng Catanauan sa Quezon alas 2:43 ng madaling araw.
Tectonic ang origin ng lindol, walang naitalang intensity at wala ring inaasahang pinsala.
Sinundan ito ng magnitude 3.6 na lindol alas 3:28 ng madaling araw sa 14 km East sa nasabi ring bayan.
May lalim lamang na 9 kilometers ang lindol kaya nakapagtala ng Intensity 2 sa mga bayan ng Gumaca, Mulanay at Guinayangan sa Quezon.
Ang ikatlong pagyanig ay naitala ng Phivolcs alas 3:40 ng umaga sa 16 km East sa bayan pa rin ng Catanauan.
Magnitude 3.1 naman ang nasabing lindol at naitala ang Intensity 1 sa Guinayangan.
Alas 5:52 ng umaga nang maitala ang magnitude 3.5 na lindol sa 11 km West sa bayan naman ng Lopez sa Quezon.
Ayon sa Phivolcs, naramdaman ang intensity 1 sa Gumaca, Mulanay at Guinayangan sa ikalimang lindol.
Matapos ang magnitude 4.9 na lindol sa bayan ng Buenavista, agad nakapagtala ng dalawang magkasunod na aftershocks.
Ang una ay naganap alas 7:05 ng umaga, na may magnitude na 2.6 at ang ikalawa ay alas 7:35ng umaga na magnitude 2.5.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.