DOH dapat maging tapat sa pagre-report ukol sa COVID-19
Iginiit ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na dapat maging transparent ang Department of Health (DOH) sa pagre-report sa kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa.
Sinabi nito na dapat payagan ng DOH ang mga ospital na may nagamot na COVID-19 cases na i-anunsyo ito.
Inihalimbawa ni Zarate ang ginawa ng Cardinal Santos Medical Center na inanunsyo sa publiko na mayroon silang sinuri na patient under investigation (PUI) na nakasalamuha ng pang-lima sa nagpositibo sa COVID-19.
Sa ganitong paraan aniya ay hindi magmumukhang kinokontrol ng pamahalaan ang impormasyon kaugnay sa sakit.
Ayon kay Zarate, hindi na dapat maulit ang kapalpakan ng gobyerno sa African Swine Flu (ASF) na noong una ay sinasabi ng Department of Agriculture (DA) na kontrolado na nila pero kalaunan ay napag-alamang kumalat na pala sa ibang bahagi ng bansa.
Huli na rin anya ang pagdedeklara ng State of Public Health Emergency ng pamahalaan.
Kung mas napaaga ito, sabi ng mambabatas ay dapat mas maagang naihanda ng DOH ang budgetary requirements para sana agad napondohan ang mga kailangan tulad ng testing kits, protective equipment para sa mga health workers at dagdag na human resources para sa epidemiologic surveillance at contact tracing.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.