Isasailalim sa reconfiguration ang mga bagong armored personnel carriers (APC) ng militar para magamit ito sa internal security at territorial defense operations.
Ayon kay Mechanized Infantry Division chief Maj. Gen. Edgar Gonzales, iko-convert nila ang ilan sa mga huling batch ng armored vehicles na natanggap nila at gagawing infantry fighting vehicles.
Ibig sabihin nito aniya, hindi lang .50 cal. machine guns ang mailalagay nila doon kundi pati 25-mm automatic cannons na pwedeng magamit sa mga nasabing uri ng operasyon dahil mas stable at mas malakas ang mga ito.
Pormal na tinanggap ng MID ang 114 na mga bagong behikulo sa pamamagitan ng Excess Defense Articles program ng Estados Unidos.
Sunod-sunod na dumating ang mga bagong armored vehicles simula pa noong buwan ng Disyembre, at agad itong tinest, pininturahan at nilagyan ng mga armas.
Hindi naman nabanggit ni Gonzales kung ilang armored vehicles ang isasailalim sa reconfiguration, dahil nakadepende pa aniya ito sa kanilang pondo.
Kailangan din kasing palitan ang 212 engine power ng 265 horsepower. Ipapamahagi na ang mga bagong behikulo sa mga field units.