WATCH: Lockdown sa buong Metro Manila, dapat isagawa ng pamahalaan
Iminungkahi ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na magpatupad ng lockdown sa Metro Manila upang mapigilan ang pagkalat ng kinatatakutang Coronavirus Disease 2019 o COVID-2019.
Ayon kay Salceda, dapat isara ang mga expressway papasok at palabas ng Metro Manila upang hindi na kumalat ang virus.
Kasama rin sa dapat isara ang airports para sa mga domestic flight gayundin ang mga railway.
Ito aniya ay upang hindi na maging viral ang kinatatakutang virus.
Kailangan din anya na magkaroon ng suspensyon sa trabaho at klase.
Maliban na lang sa mga naka-frontline tulad ng mga health worker.
Ito, ayon sa mambabatas, ay precautionary measure para hindi na kumalat ang virus.
Tatagal aniya ito ng isang linggo.
Ang kailangan, ayon kay Salceda, ay hindi na kumalat pa ang virus sa labas ng Metro Manila.
Nagawa na anya ang lockdown sa Albay at sa nakalipas na pagputok ng Bulkang Taal.
Paliwanag nito, pagpigil na kumalat ang COVID-19 ang dapat maging prayoridad ng Deparatment of Health (DOH) imbes na bantayan ang bilis ng pagtaas ng kaso nito.
Sa panahon anya ng epidemya, lahat ay suspek kaya mas mabuting magkaroon na muna ng grand staycation ang lahat na katumbas na rin ng home quaratine.
Ginawa na rin anya ito sa South Korea at Japan kaya mabilis na naging normal ang sitwasyon doon.
Bagama’t may epekto sa ekonomiya ng bansa ang lockdown, sinabi ni Salceda na mas maliit lamang naman ito.
Sabi ng mambabatas, kapag kumalat pa ang COVID-19, posibleng umabot sa P218 bilyon ang mawawala sa ekonomiya pero kapag nagpatupad ng lockdown ito ay aabot sa P100 bilyon lamang.
Aabot anya sa 92,000 hanggang 175,000 trabaho ang mawawala dahil sa COVID-19.
Upang maibsan anya ang epekto sa ekonomiya ang kinatatakutang sakit, kailangan maipasa na ang Corporate Income Tax Incentives Reform Act o CITIRA.
Maari din anyang ipagpaliban muna ang pangongolekta ng pamahalaan ng mandatory contribution sa mga small and medium enterprise ng walang anumang penalty.
Kailangan din, sabi ni Salceda, na ipagpaliban muna ang pagbabayad ng renta sa pamahalaan.
Dapat din anyang klaruhin ang panuntunan sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor na sasailalim sa mandatory quarantine.
Para sa mga manggagawa naman sa gobyerno, sabi ni Salceda na hindi kailangang bawasan ang vacation at sick leave ng mga ito.
Narito ang buong ulat ni Erwin Aguilon:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.