Meralco hindi sasantuhin ng Palasyo; Utang sa PSALM, sisingilin
Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na hindi pababayaan ng pamahalaan ang pagsingil ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation sa P95 bilyong bayarin ng Meralco at First Gen Hydro Power Corporation.
Ito ay kahit na naghain na ng motion for leave to intervene si Solicitor General Jose Calida sa kokolektahin sana ng PSALM.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na sisingilin at hahabulin ng pamahalaan ang sinumang may utang kahit na malaki o maliit na tao, mauimpluwensya o hindi, malapit o hindi malapit sa pangulo.
“Basta may utang sa gobyerno sisingilin natin. Kahit na sinong may utang, malaking tao o hindi malaking tao. Kaibigan o hindi,” ani Panelo.
Batid naman aniya ng taong bayan na walang sinisino si Pangulong Duterte sa paniningil sa mga may utang sa pamahalaan.
Kasabay nito, walang balak ang Palasyo na pigilan si Calida na dumalo sa pagdinig sa Kamara sa march 11.
Ipina-subpoena ng Kamara si Calida para magpaliwanag sa inihaing mosyon.
Matatandaang naging matigas ang paninindigan ni Pangulong Duterte sa mga malalaking kumpanya na hindi nagbabayad ng tamang buwis gaya halimbawa ng Philippine Airlines (PAL) at iba pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.