Operasyon ng POGO, tuloy pa rin; Pondo, kailangan para sa COVID-19
Hindi ipatitigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ito ay kahit na kaliwa’t kanan ang kontrobersiya na kinasasangkutan ng nga Chinese na nagtatrabaho sa POGO gaya halimbawa ng money laundering, prostitution den, suhulan sa gobyerno, hindi pagbabayad ng tamang buwis, magagaspang na pag-uugali at iba pa.
Ibinunyag din ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na P14 bilyon mula sa P54 bilyong transaksyon sa POGO mula noong 2017 hanggang 2019 ay iniuugnay sa suspicious activities pati na sa drug-trafficking.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na base sa kanyang pakikipag-usap sa pangulo, sinabi nito na kailangan ng pondo ng pamahalaan para ipangtustos sa mga proyekto ng pamahalaan gaya halimbawa sa sahod sa mga nurse, guro at iba pa.
Maari rin aniyang gamitin ang naturang pondo para ipangtustos sa pangangailangan ng pamahalaan para sa pagtugon sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Ayon kay Panelo, maganda rin ang report ni PAGCOR chairman Andrea Domingo kay Pangulong Duterte.
“Ang sabi niya (President Duterte) sa akin kahapon, maganda ang report ni PAGCOR head (Andrea Domingo), so okay, kailangan talaga natin ng pondo galing diyan. Marami tayong projects na kailangan natin ng pondo. For instance, for the salaries of the nurses, teachers, madami. Ngayon may problema na naman tayo sa Coronavirus, eh di pwede rin nating pagkunan ‘yan. ‘Yang problema sa operations at pwedeng magawan ng paraan ‘yan. All you have to do is implement establish laws and regulations,” ani Panelo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.