Pamahalaang lokal ng Cainta, namamahagi ng face masks sa mga pampublikong sasakyan

Puspusan ang pamumudmod ng lokal na pamahalaan ng Cainta ng face mask sa mga drayber ng jeep at iba pang pampublikong sasakyan.

Ito ay para maagapan ang pagkalat ng Coronavirus Disease (COVID-19) matapos makumpirma na galing sa Cainta ang isang 62-anyos na lalaki at asawa nito na tinamaan ng sakit.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Cainta Mayor Kit Nieto na nag-iikot na rin ang kanyang mga tauhan sa mga bahay para mamahagi ng face mask at vitamin C para mapalakas ang resistensya ng kanyang mga kababayan.

May libreng alcohol na rin na ipinamamahagi ang lokal na pamahalaan.

Ayon kay Nieto, sinuspinde na muna ng lokal na pamahalaan ang programang “Kainta-Yo” o ang arawang feeding program na nagbibigay ng libreng pagkain sa 600 hanggang 1,000 residente ng Cainta.

Suspendido pa rin aniya ang klase sa Cainta sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong eskwelahan hanggang bukas.

Pag-aaralan pa aniya ng lokal na pamahalaan ng Cainta kung susupindehin na rin ang trabaho sa gobyerno.

Read more...