NCRPO tutulong na rin sa DOH sa kampanya para makontrol ang COVID-19

Kasunod nang deklarasyon na nasa Code Red Alert na ang Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 sa Pilipinas, nakipagsanib na rin ng puwersa sa Department of Health (DOH) ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagkontrol sa virus.

Sa pagbisita ni NCRPO Police Maj. Gen. Debold Sinas kay DOH Secretary Franscisco Duque III, nagkasundo ang dalawang ahensiya kung saan ay magsisilbing first responders ang mga pulis sa pagtugon sa kaso ng COVID-19 na dito ay may nakahanda nang Quick Reponse Team (QRT) ang NCRPO.

Ang QRT NCRPO ay binubuo ng nurses, mga doktor, may sariling behikulo na handa sa anumang oras ng deployment at may expert police personnel na sasanayin sa pagsusuri kasama ng mga tauhan mula sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM.

Bukod sa QRT NCRPO, nagtalaga si Sinas ng NCRPO COVID-19 hotlines na maaaring tawagan gaya ng mga sumusunod:
Regional Headquarters – 09562817917
Eastern Police District – 09663151588
Manila Police District – 09065982671
Northern Police District – 09171364073
Quezon City Police District – 09959540408
Southern Police District – 09053717275

Sisikapin ani Sinas na makatulong ang NCRPO laban sa pagkalat ng COVID-19 at titiyakin niya na may sapat na kaalaman ang mamamayan hinggil sa virus.

Kaugnay nito, sinabi ni Sinas na bumabalangkas na ng guidelines kung ano ang gagawing pag-iingat hanggang sa lebel ng pamilya.

Samantala, inanunsiyo ni Sinas na kanselado na ang pag-aaral at biyahe sa ibang bansa ng mga pulis lalo na at hindi naman emergency.

Read more...