COVID-19 ng tatlong dayuhan na bumiyahe sa Pilipinas, posibleng hindi dito sa bansa nakuha ang sakit

Posibleng hindi sa Pilipinas nakuha ang COVID-19 ng tatlong dayuhan na bumiyahe sa Pilipinas at nagpositibo sa sakit pag-uwi sa kani-kanilang mga bansa.

Ayon sa Department of Health (DOH) nakuha na nila ang detalye ng tatlong mga dayuhan na pawang Taiwanese, Japanese at Australian.

Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na ang lalaking pasyente na nagpositibo sa COVID-19 sa Taiwan ay bumiyahe sa Pilipinas mula Feb. 28 hanggang Mar. 3.

March 2 nang magkaroon ito ng diarrhea habang nasa Pilipinas at March 3 nang makaranas ng sore throat at lagnat. March 4 nang ito ay magpasuri sa Taiwan at March 5 nang magpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Duque ang nasabing Taiwanese ay maaring may infection na siya bago pa bumiyahe sa Pilipinas.

Ang lalaking Japanese naman ay bumiyahe sa Pilipinas noong February 21 hanggang 28.

Mayroon din siyang biyahe siya sa Cambodia at Vietnam, bago siya bumalik ng Japan.

Noong February 28 ay nagtungo siya ng Thailand at February 29 nang makaranas na ng ubo, paninikip sa dibdib at hirap sa paghinga.

March 3 ay nagpatingin siya sa Cambodia pero hindi siya nakuhanan ng samples. March 4 nang bumalik siya ng Japan at doon na nagpositibo sa sakit.

Ang naturang lalaking Japanese ay tumuloy sa ilang magkakaibang hotel sa Metro Manila habang siya ay nasa bansa.
Samantala, ang babaeng Australian na taga-Sydney ay dumalo sa kasal sa Maynila noong February 15, 2020.

Pagkatapos nito ay may dinaluhan siyang reunion sa Pangasinan at March 2 nang bumalik siya ng Sydney.

March 3 nang siya ay magpositibo sa COVID-19.

Ayon kay World Health Organization Country Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe, ang posibleng hindi sa Pilipinas nakuha ng naturang mga dayuhan ang COVID-19.

Gaya na lamang ng Japanese national na maliban sa Pilipinas ay mayroon pang ibang mga lugar sa Southeast Asia na pinuntahan.

Read more...