35 sakay ng MV Grand Princess nakitaan ng sintomas ng flu

Tatlumpu’t limang sakay ng MV Grand Princess na pinipigil ngayon sa karagatan ng California ang nakitaan ng sintomas ng flu.

Ayon kay Mary Ellen Carroll, pinuno ng San Francisco Department of Emergency Management ipinatutupad na ang testing protocols sa barko at uunahing suriin ang mga pasahero at crew na mayroong sintomas.

Sa sandaling lumabas ang resulta ng pagsusuri sa kanila at kung mayroong magpopositibo ay dedesisyunan ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) at California State Health Department kung saan ang pinakamabuting lugar para padaungin ang barko.

Sa pagtukoy ng lugar, isasaalang-alang ang kaligtasan ng mga residente sa komunidad at gayundin ang kaligtasan ng mga pasahero at crew.

Nasa 3,500 ang sakay ng barko, kabilang ang 2,383 na pasahero at 1,100 na crew.

Mayroong mahigit 500 na Pinoy na crew ang naturang barko.

Hinarang ang barko matapos magpositibo sa COVID-19 at masawi sa California ang naging pasahero nito sa naunang Mexico voyage.

Sa ngayon mayroon pang 62 pasahero na nananatili sa barko na nakasabay sa naturang voyage ng nasawing pasahero.

Read more...