Aalamin ng Department of Health (DOH) ang detalye hinggil sa mga dayuhang bumiyahe ng Pilipinas at nagpositibo sa COVID-19 pagdating sa kanilang mga bansa.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Health Asst. Sec. Maria Rosario Vergeire na nakarating na sa kaalaman ng DOH ang ulat na mayroong lalaki sa Taiwan ang nagpositibo sa COVID-19 pagkagaling niya ng Pilipinas.
Gayundin ang isang may edad nang babae na nagpositibo sa COVID-19 pagbalik sa Australia galing sa biyahe niya sa Pilipinas at isang Japanese ang nagpositibo sa sakit pagdating ng Vietnam Airport mula sa biyahe sa Pilipinas at Cambodia.
Ani Vergeire, kukuhanin nila ang kabuuang impormasyon sa nasabing mga dayuhan pati ang petsa ng kanilang pagbiyahe dito sa Pilipinas at mga lugar na kanilang pinuntahan.
Tiniyak ni Vergeire sa publiko na anuman ang makukuhang impormasyon ay ibabahagi ito lahat sa publiko at walang isesekreto.
Kasabay nito ay umapela si Vergeire sa publiko na iwasan muna ang mga haka-haka o spekulasyon hinggil sa nasabing mga ulat.
“Hanggang wala pa ho tayong kumpletong impormasyon tungkol dito ay huwag po tayong mabahala. Ang DOH ay direktang nakikipag-ugnayan sa mga bansa na ito. Ibibigay namin kumpletong detalye kapag nakuha namin sa health authorities nung mga bansa. Sa publiko, sana huwag muna tayong humusga, tignan muna natin ang impormasyon,” ayon kay Vergeire.
May mga nagtatanong kasi kung bakit hindi na-detect ang mga dayuhan sa COVID-19 habang sila ay nandito sa Pilipinas.