Mahigit 500 Pinoy lulan ng MV Grand Princess na pinipigil ngayon sa California dahil sa banta ng COVID-19
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na mahigit 500 Filipino and sakay ng MV Grand Princess na ngayon ay binabantayan sa Amerika matapos na magpositibo sa COVID-19 ang dalawa nitong dating pasahero.
Sa datos ng Magsaysay Maritime Corporation, 523 na Pinoy ang crew ng naturang barko.
Hinarang sa karagatan ng California ang barko dahil sa banta ng COVID-19 at ngayon ay minomonitor ng health authorities ang mga sakay nito.
Inabisuhan na rin ang mga sakay nito na manatili lamang sa kani-kanilang mga kwarto.
Sa pahayag naman ng Princess Cruises, sinabi nitong wala pang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa mga sakay ngayon ng barko.
May mga guests at crew lamang na kailangang isailalim sa pagsusuri ng CDC bago sila dumaong sa San Francisco.
Kabilang sa susuriin ang mga guests na kasama sa nagdaang Mexico voyage ng barko at kasama pa rin ngayon sa Hawaii voyage.
Susuriin din ang mga guests at crew na makikitaan ng influenza-like illness symptoms.
Ngayong araw nakatakdang i-deliver ng U.S. Coast Guard ang mga sampling kits sa barko at ang medical team ng Grand Princess ang magsasagawa ng pagsusuri.
Nag-abiso na ang public health officials sa California na walang guests na papayagang makababa ng barko hanggang hindi lumalabas ang kumpletong resulta ng gagawing tests.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.