Varsity player ng Adamson na nanuntok ng pari, arestado

Nasa kustodiya ng Manila police ang varsity player ng Adamson University matapos na itulak at manuntok sa isang pari sa loob ng gym ng eskuwelahan sa Ermita, Manila.

Kinilala ang manlalaro na si Papi Sarr, 28-anyos, Cameron national at naninirahan sa Falcon Nest., Adamson University sa San Marcelino Street sa Ermita.

Ayon kay Police Capt. Arnold Echalar, hepe ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section, nagtalo ang nasabing star player at si Fr. Aldrin Suan, ang athletic director ng Adamson University, kung saan kumukuha ng sports management si Sarr.

Ayon sa salaysay ni Fr. Suan, habang nanonood ito ng tune up ng laban ng Adamson at Perpetual University team nang dumating si Sarr kaya iniabot niya ang dismissal letter.

Labis itong ikinagalit ng star player na import ng university.

Sinuntok nito sa dibdib saka kinuwelyuhan ang pari sabay sinabing “who are you to do this to me” sa harap umano ng maraming tao.

Dito na dumating ang kapatid ng dayuhan na si Abdul Asis Sarr at sinigawan ang pari.

Hanggang sa inawat na lamang ng ibang player ang magkapatid saka nagsidatingan ang iba pang nakatalagang security guard na silang tumawag ng responde sa MPD-Ermita Police Station 5 saka ito itinurn over sa MPD-GAIS.

Read more...