Mga Filipino sa US, pinayuhan na mag-ingat sa Zika virus

Zika virusPinag-iingat ng Philippine Embassy sa Washington ang mga Filipino na naninirahan o nagta-trabaho sa United States.

Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na pagtaas ng kaso ng Zika virus sa naturang bansa.

Inabisuhan din ng embahada ang mga miyembro ng Filipino-American community na bisitahin ang mga website ng World Health Organization (WHO) at US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) upang madagdagan ang kanilang kaalaman pagdating sa sintomas, paano maiiwasan, paano mahahawa at mga kumpirmadong kaso ng Zika virus.

Simula noong nakaraang buwan, tumaas ang kaso ng Zika virus partikular na sa mga bansa sa Amerika ayon sa embahada.

Naitala ang mga kaso ng Zika virus sa labing isang estado sa US at maging sa Washington DC kung saan mahigit tatlumpung Amerikano ang natamaan nito na nakuha nila habang bumibiyahe sa ibang bansa.

Sinabi rin ng embahada na sa kabila ng pagdeklara ng WHO ng pagkalat ng Zika virus na isang Public Health Emergency of International Concern, pinayuhan ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Health ang publiko na gamitin ang ‘4S’ laban sa naturang virus at iba pang mosquito-borne dieseases.

Ang 4S ay binubuo ng ‘Search’, hanapin o sirain ang mga maaaring maging tirahan ng mga lamok; ‘Self-protection’ o sariling pag-iingat; ‘Seek’, magpakonsulta agad kung makararanas ng lagnat na tatagal ng mahigit sa dalawang araw; at ‘Say Yes’, sa mga pagpapausok sa inyong lugar kung may babala ng outbreak.

Ang Zika virus, na nagsimulang matuklasan at kumalat sa Brazil noong nakaraang taon, ay naisasalin sa pamamagitan ng kagat ng lamok.

Kabilang sa sintomas ng Zika virus ay ang lagnat, rashes, pananakit ng kasu-kasuan at conjunctivitis.

Sa kabila nito, wala pang plano ang gobyerno na magpatupad ng travel restrictions sa mga bansang apektado ng Zika virus.

Read more...