Tinatapos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa “pastillas scheme” na sisibakin sa puwesto.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mistulang Santa Claus ngayon si Pangulong Duterte sa paggawa ng kanyang listahan.
Kahit na inabswelto na ni Pangulong Duterte, hindi pa aniya off the hook si Commissioner Jaime Morente.
Saklaw pa rin aniya si Morente sa imbestigasyon.
Sakaling makitaan ng ebidensya o probable cause na sangkot si Morente sa “pastillas scheme” tiyak na masisibak din ito sa pwesto.
Ayon kay Panelo, hindi titigil si Pangulong Duterte sa pagsasagawa ng shake up sa BI hangga’t hindi nauubos at nawawalis ang mga tiwali.
Malinaw naman aniya ang polisiya ni Pangulong Duterte na walang “sacred cow” kung ang isyu ay patungkol sa korapsyon.