Cruise ship na nakatakdang dumaong sa San Francisco, California nagpatupad ng lockdown sa kanilang mga pasahero dahil sa COVID-19 scare
Isang cruise ship na pag-aari pa rin ng Carnival Cruise ang nagpapatupad ngayong ng lockdown sa kanilang mga pasahero dahil sa banta ng COVID-19.
Kinansela na ang pagdaan sana ng MV Grand Princess sa Ensenada, at sa halip ay didiretso na sa San Francisco.
Ito ay matapos makarating sa pamunuan ng barko na isa sa naging pasahero nila noong February 11 to February 21 voyage ang pumanaw sa California dahil sa COVID-19.
Sa inilabas na abiso ng Princess Cruises sa mga sakay ngayon ng Grand Princess, lahat ay pinapayuhan na manatili lamang sa kanilang mga kwarto.
Sila ay sasailalim sa medical screening habang naglalayag patungong San Francisco.
Huwebes ng tanghali oras sa California ang inaasahang dating doon ng barko.
Naglaan na rin ng libreng internet service at phone service ang Grand Princess sa mga pasahero para makatawag sila sa kanilang mga kaanak.
Kasabay nito, nanawagan ang Princess Cruises sa lahat ng pasahero nila noong February 11 to February 21 voyage na agad magpasuri sa doktor kung makararanas ng flu-like symptoms.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.