Posibleng may naiwan sa double decker ng MB Nirvana

ormoc-banca
Kuha ni Jhay Gaspar / Inquirer Visayas

Nagpapatuloy ang Search and Rescue operations ng Philippine Coast guard (PCG) sa labing-apat pang mga nawawalang sakay ng tumaob na MB Kim Nirvana sa Ormoc City.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Coast Guard Spokesperson Commander Armand Balilo, sinabi nitong double-decker ang bangka at posibleng mayroon pang na-trap na mga pasahero.

Dahil dito, sinabi ni Balilo na aalamin sa isasagawang maritime investigation kung kasama sa orihinal na plano o structural design ng bangka ang pagkakaroon nito ng upper deck o ito ay idinagdag na lamang.

Sinabi ni Balilo na bagong-bago ang MB Nirvana. Katunayan noong May 7, 2015 lamang ito nakakuha ng certificate of ownership, ngayong taong 2015 lamang ginawa sa Pilar, Cebu batay sa certificate of registration nito at nabigyan ito ng passenger safety certificate noong June 2, 2015.

Inaalam din ng Coast Guard kung bakit may mga pasaherong hindi nakasuot ng life jacket.

Ayon kay Balilo, hindi dapat napapaalis ang bangka nang hindi nakasuot ng life jacket ang lahat ng pasahero nito. Minsan nga lang ayon kay Balilo may mga pasaherong nagtatanggal ng life jacket habang nasa biyahe dahil nagrereklamong mainit o di kaya ay madumi ang life jacket.

Sa ngayon, umabot na sa 40 ang bilang ng mga nasawi sa nasabing trahedya. / Dona Dominguez – Cargullo may ulat mula kay Ruel Perez

Read more...