Ipinaliwanag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang inihain niyang Senate Resolution 6 ay para lang maipaalam ang ‘sense of the Senate.’
Aniya, ito ay maaring magamit na basehan ng National Telecommunications Commission (NTC) para bigyan ang ABS-CBN ng provisional authority at magpatuloy ang operasyon nito habang hindi pa naipapasa sa Kamara ang hirit nilang panibagong prangkisa.
Kinuwestiyon muna nina Senators Aquilino Pimentel III at Francis Tolentino ang resolusyon ni Drilon na kinalaunan ay pumayag na rin na ito ay maging simpleng resolusyon na lamang dahil wala naman itong bisa tulad ng isang batas.
Ipinagtaka rin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kung bakit hindi na lang magbigay ang NTC ng provisional authority sa ABS-CBN gayung ilang beses na itong ginawa ng ahensiya sa ibang prangkisa.
Paglilinaw din ni Drilon na walang kinalaman sa resolusyon sa quo warranto petition na inihain sa Korte Suprema ng Office of the Solicitor General (OSG) laban sa giant broadcasting network.
Ayon kay Drilon, tanging ang ABS-CBN lang ang makakasagot sa petisyon.