Sa pulong balitaan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, magpapatupad ng mitigating measure ang kagawaran gaya ng implementasyon ng mekanismo para sa mga negosyo na mag-adopt ng flexible work arrangements, kaakibat ang mabilis na pagtugon at regular na reporting ng mga regional office at Philippine Overseas Labor Office (POLO) kaugnay sa job displacement sa kanilang hurisdiksiyon.
Titingnan din aniya ang mga prayoridad sa pagkakaloob ng financial assistance sa pamamagitan ng adjustment measures program o AMP, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD at ang pagsasailalim sa mga apektadong manggagawa sa program ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Sinabi ng kalihim na magsasagawa ng regular na pagpupulong ang DOLE sa mga stakeholder at social partner upang isulong ang kooperasyon, maglalagay ng centralized monitoring system kung saan makikita ang estado ng mga manggagawang apektado ng Coronavirus outbreak.
Ginawa ng DOLE ang hakbang matapos na ideklara ng World Health Organization (WHO) na nasa high risk o nanganganib ang buong mundo sa pagkalat ng Coronavirus gayundin ang pahayag ng National Economic Development Authority (NEDA) hinggil sa matinding epekto o impact ng virus outbreak sa ekonomiya ng bansa, pagpapalawig na travel restrictions na partikular na apektado ang industriya ng turismo at pangangalakal.