Pag-apruba ng panukala na magpaparusa sa mga sangkot sa child marriage pinamamadali sa Kamara
Hinimok ni Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera ang Kamara na madaliin ang pagpasa ng panukalang batas na magpaparusa sa mga masasangkot sa child marriage.
Sa ilalim ng House Bill 1486 na inihain ni Herrera, ikukunsidera nang krimen ang facilitation at solemnization ng child marriages.
Mahaharap sa multa ang mga solemnizing officers at mga magulang na nanguna sa child marriage habang kapag dose anyos pababa naman ang batang ikakasal ay makukulong naman ang mga matatandang kumontrata dito.
Binibigyang mandato naman ng panukala ang mga ahensya ng gobyerno na lumikha ng mga programa na tutugon sa pag-iral pa rin ng child marriages sa bansa at pagbibigay serbisyo sa mga kabataang pwersahang ipinakasal.
Ayon sa kongresista, sa kabila ng mga international at local legal frameworks na nagbabawal sa child marriage, talamak pa rin ang forced marriages sa mga kabataan partikular sa indigenous communities.
Batay sa United Nations Children’s Fund data noong 2017, nasa 15% ng mga Pilipina na may edad 20 hanggang 24 ang umaming pinilit ipakasal na wala pa sa edad na 18 anyos.
Nababahala si Herrera na nalalagay sa pangaabuso, karahasan, gender inequality at kapahamakan sa buhay ang mga kabataang babae na maagang pinag-aasawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.