Listahan ng BI officials na sisibakin sa pwesto, kinukumpleto ni Pangulong Duterte

Kinukumpleto na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na sisibakin sa puwesto.

Ito ay dahil sa nabunyag na “Pastillas scheme” o ang panunuhol ng mga Chinese sa mga tiwaling opisyal ng BI para makapasok sa bansa at makapagtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon sa pangulo, isinasapinal na lamang niya ang listahan para ma-dismiss na ang mga tiwaling BI official.

Ayon sa pangulo, halos araw-araw ay may sinisibak siya sa puwesto dahil sa isyu sa korupsyon.

Masakit aniya sa kaniyang kalooban na sibakin ang ilang tauhan ng gobyerno lalot kasama niya sa fraternity na Lex Taliones habang ang iba naman ay kasama pa niya noong 1980 o ang panahon ng pangangampanya sa pagka-mayor sa Davao City pa lamang.

“Di ko sinasabi, kakapasok lang ninyo, but almost everyday may pinapaalis ako na tao, sinisikreto ko lang. Today, I think I have to complete the list of officials that I need to fire, to dismiss from the BID. Sa Bureau of Immigration. Ayaw ko, kasi iba kilala ko, kaya lang ‘yung iba ko mga brad ko, yung iba were with me in ‘88 when I first ran for the mayorship,” pahayag ng pangulo.

Read more...