242 hinihinalang illegal workers, hinarang ng BI sa NAIA

Hinarang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 242 dayuhan na hinihinalang ilegal na magtatrabaho sa bansa.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ito ay kasunod ng pagkakatanggal sa lahat ng NAIA heads sa kanilang pwesto bunsod ng umano’y “Pastillas scheme.”

Ani Morente, nasa 79 ang naharang sa NAIA Terminal 1, 33 sa NAIA Terminal 2 habang 130 naman sa NAIA Terminal 3.

Ilan sa mga dayuhan ay Cambodian, Vietnamese, Indonesian, Malaysian, Chinese at taga-Myanmar.

Naharang ang mga dayuhan mula February 21 hanggang 28.

Ayon naman kay Fortunato Manahan, Jr., hepe ng BI Intelligence, napansin nila ang tangkang pagpasok ng mga hinihinalang illegal worker sa pamamagitan ng iba pang port of entry sa Pilipinas.

“Our frontliners will heighten our efforts in screening these aliens. We are in close coordination with our foreign counterparts in ensuring that no aliens with bad records enter the country. But if they are already in the country before we receive information about their crimes, we will immediately send them out,” ayon kay Manahan.

Samantala, nangako naman si Morente na palalawakin pa ang isinasagawang imbestigasyon ukol sa umano’y “Pastillas scheme” kasunod ng inilabas na pahayag ng whistleblower na si Allison Chiong.

“I have ordered all NAIA heads replaced, and reshuffled all frontline personnel to break any possible collusion among
them, this revamp affected around 800 officers,” dagdag pa ni Morente.

Ipinag-utos na rin aniya sa Travel Control and Enforcement Unit at Border Control and Investigation Unit na magsagawa ng external check and balance para tutukan ang monitor airport operations.

Nagbanta pa si Morente na sinumang mapapatunayang parte ng bagong modus ay mahaharap sa kasong administratibo at kriminal.

Read more...