Mga sindikato, posibleng gumagamit ng bilyong dolyar na ipinasok sa bansa

Apat na sindikato na may kaugnayan sa iligal na droga, terorismo, money laundering at Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) operations ang posibleng nasa likod ng pagpasok sa bansa ng P28.6 bilyong cash.

Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda, ito ay matapos ang kanilang closed-door meeting sa iba’t ibang ahenysa ng gobyerno.

Sabi ni Salceda, ang pera ay dinala sa bansa ng “Singapore” group, “Hong Kong” group at ang nauna nang pinangalan ng Bureau of Customs (BOC) na “Rodriguez” at Chinese groups.

Nabatid na dumating sa bansa ang nasabing mga grupo simula December 2019 hanggang February 2020.

Ang nasabing halaga anya ay bahagi ng ibinulgar nito na $1.02 billion na pumapasok sa bansa mula December 2019 hanggang February 2020.

Nababahala rin ang mambabatas dahil sa ulat na ang nasabing mga grupo ay iniiskortan ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) o kaya naman ay ng airport police department sa Manila International Airport Authority (MIAA).

Sa 12 milyong arrivals sa bansa nasa 1,015 lamang ang declared foreign currency importation at tanging NAIA 1, 2, 3 at Mactan-Cebu International Airport lamang ang nagre-report.

Idineklara anya ang nasabing halaga kaya ito pinapasok ng BOC upang gamitin sa pamumuhunan sa bansa pero sobra anyang relax ang BOC sa pagpapasok ng malalaking halaga ng salapi.

Sa ilalim ng batas, kailangan lamang ideklara ang halaga na sobra sa $10,000 bago ito maipasok sa isang bansa.

Dumalo sa closed-door meeting ng komite ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Board of Investment (BOI), National Bureau of Investigation (NBI), Anti-Money Laundering Council (AMLC) at PNP-CIDG.

Read more...