Consumers ng elektrisidad sa Iloilo, apektado nang sapilitang pag-agaw ng MORE sa operasyon ng PECO
Ang mga power consumer ng Iloilo ang apektado sa hindi pa rin matapos na sigalot sa pagitan ng Panay Electric Company (PECO) at ng MORE Electric and Power Corporation.
Ito ang iginiit ni Atty. Estrella Elamparo, abogado ng PECO kasunod na rin ng nangyaring take over umano ng MORE sa ilang pasilidad ng PECO sa Iloilo City.
Giit ni Elamparo, iligal umano ang nangyaring take over sa kanilang aabot sa limang sub-stations sa General Luna, Jaro, La Paz, Jalandoni at Molo na ngayon ay ino-operate na ng MORE.
Dahil sa biglaang take over na ito, maaari aniyang magkaroon ng malaking problema ang mga taga-Iloilo sa oras na maubos na ang mga kuryenteng isusuplay sa mga consumer.
Pangamba ng kumpanya, hindi umano malayong magkaroon ng patuloy na mga brownout sa Iloilo.
Pagdating din aniya sa technical expertise ay mas lamang ang PECO lalo na at may mahabang panahon na silang karanasan sa power distribution.
Matatandaan na una ng ibinigay ng Kongreso sa MORE ang prangkisa para sa power distribution sa Iloilo City mula sa PECO.
Sa ngayon, ang PECO ay nag-o-operate sa bisa ng temporary Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) na inisyu ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Umaasa naman ang PECO na sa lalong madaling panahon ay maaksyunan na ng Korte Suprema ang petisyon ng MORE na kumukwestyon sa desisyon ng Mandaluyong Regional Trial Court na una ng nagdeklara bilang unconstitutional sa pag-take over ng MORE sa power distribution assets ng PECO.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.