Senado, ipapalinaw sa SC ang treaty abrogation

Sinang-ayunan ng 12 senador ang resolusyon na hihingi ng paglilinaw sa Korte Suprema kung kailangan din ang pagsang-ayon ng Senado sa pagtalikod ng Pilipinas sa anumang pakikipagkasundo sa ibang bansa.

Mismong si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang nag-sponsor sa Resolution No. 337 maging sina Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Minority Leader Franklin Drilon, at Senators Panfilo Lacson at Richard Gordon.

Sinuportahan naman sila nina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, at Senators Sonny Angara, Nancy Binay, Risa Hontiveros, Manuel Lapid, Francis Pangilinan, at Joel Villanueva.

Samantala, nag-abstain naman sina Senators Ronald dela Rosa, Christopher Go, Imee Marcos, Aquilino Pimentel III, Bong Revilla, Francis Tolentino at Cynthia Villar.

Sa kanyang talumpati, ipinunto ni Sotto na malabo ang nakasaad sa Saligang Batas kaugnay sa pagtalikod ng bansa sa anumang kasunduan o tratado.

Aniya, maaring lang magkabisa ang tratado kapag sinang-ayunan ng mayorya ng mga senador, ngunit walang nabanggit kung kailangan din ang pagsang-ayon ng mga senador kung ibabasura na ang kasunduan.

Paglilinaw naman ni Sotto na kinikilala niya ang kapangyarihan ng pangulo ng bansa na ipawalang-bisa na ang kasunduan.

Una nang bumitaw ang Pilipinas sa Rome Statute at kamakailan ay sa Visiting Force Agreement (VFA) sa pagitan ng bansa at Amerika.

Read more...