Kinumpirma ng pamahalaan ng Indonesia na may kaso nang naitala ng Zika virus sa kanilang bansa.
Ayon kay Indonesian Senior Minister Puan Maharani, nadiskubre ang virus sa isang residente ng Jambi, sakop ng Sumatra island.
Nadiskubre aniya ito habang iniimbestigahan ang dengue outbreak sa naturang lugar kung saan ang mga blood specimen ay kinuha sa pagitan ng December 2014 hanggang April 2015.
Sa kabila nito, nanawagan ang Indonesia sa kanilang mga mamamayan na manatiling kalmado dahil under control naman aniya ang Zika virus na natuklasan at nananatiling isa pa rin lamang ang naitatalang kaso sa kanilang bansa.
Kamakailan, nagpatawag si Indonesian President Joko Widodo ng isang high-level meeting upang talakayin ang posibleng pagpasok ng Zika virus.
Una nang sinabi ng mga helath experts na malaki ang posibilidad na tamaan ng Zika virus ang Asya dahil ang lamok na nagdadala nito ay ang siya ring lamok na nagdadala ng dengue at Chikungunya virus na endemic sa rehiyon. Sa Pilipinas, sinabi ng DOH na noong 2012, may naitalang kaso ng Zika virus infection sa bansa ngunit hindi na ito nadagdagan simula noon.