Pagpapalit ng bagong riles mula Quezon Avenue station hanggang GMA-Kamuning station ng MRT-3, sinimulan na

Sinimulan na ang pagpapalit ng bagong riles ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) mula Quezon Avenue station hanggang GMA-Kamuning station (Southbound).

Ayon sa DOTr MRT-3, ito ay matapos ang pagpapalit ng mga riles mula sa North Avenue station hanggang Quezon Avenue station (Southbound) na nagsimula noong February 20 at natapos hanggang 28.

Nasa 148 ang bilang ng long-wielded rails (LWRs) na may habang tig-180 metro ang inilagay sa buong linya ng MRT-3.

Sa ngayon, nasa 80 porsyento na ang progreso ng distribution ng mga LWR.

Sinabi ng DOTr MRT-3 na inaasahang makakabawas ang bagong riles sa pagkatagtag ng mga tren habang bumibiyahe na kadalasang nagiging sanhi ng aberya sa operasyon.

Maliban dito, mababawasan din ang ‘headway’ o ang pagitan ng dating ng mga tren sa 3.5 minuto.

Isinasagawa ang rail replacement activities sa mga oras na walang operasyon mula 11:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw.

Read more...