Speaker Cayetano nanindigang susunod sa kagustuhan ng mayorya ng mga kongresista

By Erwin Aguilon March 02, 2020 - 02:24 PM

Hindi kayang kontrolin ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang maaring mangyari sa plenaryo ng Kamara mamaya.

Ito ay sa gitna ng ugong na mayroong magmomosyon na bakantehin lahat ng posisyon sa Mababang Kapulungan.

Ayon kay Cayetano, malinaw naman ang sinabi niya na kung ayaw na sa kanya ng mayorya ng mga miyembro ay malaya ang mga ito na manawagan sa kanyang resignation o ipabakante ang kanyang pwesto.

Kung panigan aniya siya ng mayorya, bahala ang mga nagbabalak mag-kudeta kung susuportahan siya at kung kaya ng mga ito na magtrabaho sa ilalim ng kanyang liderato.

Pero kung ipagpapatuloy aniya ng mga ito ang pang-iintriga, inulit nito na mas mabuti pang umalis na lang sa kanilang mga posisyon at saka na bumalik kapag speaker na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Samantala, nilinaw ni Cayetano na sa November pa sila magpapalitan ni Velasco base sa term-sharing agreement.

Paliwanag nito, huling linggo na ng Hulyo siya umupo bilang Speaker kaya magtatapos ang 15 buwan sa katapusan pa ng Oktubre.

Naniniwala ang Speaker na kaya gusto ng kampo ni Velasco na Oktubre ang palitan ng liderato ay dahil gusto nitong mahawakan ang budget.

TAGS: Alan Peter Cayetano, house leadership, Alan Peter Cayetano, house leadership

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.