Hindi isinasantabi ng Malakanyang ang posibilidad na matulad sa Visiting Forces Agreement (VFA) ang Mutual Defense Treaty at Enhanced Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Pahayag ito ng palasyo matapos ipag-utos ni Pangulong Duterte na tuluyan nang ibasura ang VFA.
Paliwanag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang EDCA at MDT kasi ang pampalakas sa VFAa.
Kung wala na aniya ang VFA, wala na ring saysay pa ang EDCA at MDT kung kaya wala itong ibang patutunguhan kundi ang ibasura na rin lang.
Sinabi pa ni Panelo na pursigido rin si Pangulong Duterte na maging self-reliant kung kaya target nitong palakasin pa ang pwersa ng hukbong sandatahang lakas ng Pilipinas.
Wala aniyang saysay ang pagiging self-reliant kung patuloy na aasa pa rin ang Pilipinas sa military force agreement sa ibang bansa.
“Yung VFA kasi, yun ang nagiging pampalakas sa dalawang agreement. Kung tinanggal mo yun, ibig sabihin hihina na yung dalawa. Eh ‘di papunta ka na rin doon. Kung ang basis ni Presidente maging self-reliant, so lahat ng logical consequences nun, darating. Paano ka magiging self-reliant kung meron ka pa ring military force agreement doon sa tinanggalan mong una?”
Nilagdaan ang MDT noong 1951 kung saan nagkasundo ang pilipinas at amerika na susuportahan ang isa’t isa sakaling may armading pag-atake sa dalawang bansa.
Sa ilalim naman ng edca, sinusupodtahan nito ang MDT at pinayagan na makapwesto ang mga Amerikanong sundalo sa Pilipinas pero hindi ang pagtatayo ng mga base militar.