Wala sa lugar ang posisyon ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa isyu sa kaso kaugnay sa pagiging natural-born Filipino ng mga foundlings.
Ito ang iginiit ng abogado ni dating Sen. Francisco “Kit” Tatad, isa sa mga nagsampa ng kasong diskwalipikasyon laban kay presidential aspirant at Sen. Grace Poe.
Kaya naman binanatan ni Atty. Manuelito Luna ang aniya umano’y pagpapakita ng awa ni Sereno sa mga foundlings tulad ni Poe at sa pagsusulong ng hindi pa subok na teyorya.
Ani Luna, nasaan ang diskriminasyon gayong mas marami pang naturalized Filipinos kaysa mga foundlings sa ating bansa, at maging sila ay pinagbabawalan ng konstitusyon na tumakbo para sa mga national positions sa pamahalaan.
Matatandaang sa pahayag ni Chief Justice Sereno, iginiit niya na marapat lang na ituring na natural-born Filipino citizen ang mga foundlings tulad ni Poe.
Ayon kay Luna, kokontrahin niya ang katayuan ni Sereno sa isyu sa pamamagitan ng paglilinaw ng mga nakasaad sa 1934 Constitution na nakasasakop sa taon ng kapanganakan ni Poe.
Aniya, wala namang nakasaad sa nasabing bersyon ng Saligang Batas hinggil natural-born status ng mga foundlings, at na hindi ito sumusuporta sa iginigiit ni Sereno kaugnay sa kaniyang katayuan sa isyu.
Sa oral arguments noong nakaraang linggo, sinabi rin ni Sereno na magkakaroon ng malaking epekto sa mga foundlings sa bansa ang magiging ruling sa kaso ni Poe.
Magpapatuloy ang oral arguments sa mga kasong diskwalipikasyon laban kay Poe sa February 9.