CHR, mag-iimbestiga rin sa pamamaslang sa isang abogado sa Nueva Ecija

Mariing kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pamamaril sa isang abogado sa Talavera, Nueva Ecija.

Pinagbabaril ang biktimang si Atty. Bayani Dalangin ng isang hindi pa nakikilalang gunman sa loob ng kaniyang opisina, Biyernes ng gabi (February 28).

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Atty Jacqueline Ann de Guia, tagapagsalita ng CHR, na ang tumataas na bilang ng pag-atake sa mga abogado sa bansa ay kailangang bigyang ng seryosong atensyon ng gobyerno at taumbayan.

Ang mga banta at pag-atake aniya ay humaharang sa abilidad ng mga abogado at iba pang miyembro ng justice sector para makapagbigay ng legal presentation.

“Regrettably, the worsening impunity in the country continues to undermine the proper functioning of the rule of law including the right of people to remedies and fair trial,” dagdag pa ni de Guia.

Kasunod nito, umapela ang CHR sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na magkasa ng imbestigasyon sa kaso para mahuli ang responsable sa krimen.

Maliban dito, hinikayat din ni de Guia ang gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng mga abogado sa pamamagitan ng pagbibigay ng protection measures.

Suportado rin nito ang agarang pagpapasa ng Senate Bill 1721 na layong protektahan ang kaligtasan ng mga miyembro ng legal profession at justice sector.

Samantala, nangako si de Guia na magsasagawa sila ng hiwalay na imbestigasyon sa kaso.

Nagparating naman ng pakikiramay ang CHR sa naiwang pamilya at kaibigan ni Dalangin.

Read more...