Nilulutong military pact sa pagitan ng Pilipinas at US, walang basbas ni Pangulong Duterte
Ayaw na ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng bagong alyansang militar ang Pilipinas sa Amerika.
Pahayag ito ng Palasyo matapos sabihin ni Philippine Ambassador to the U.S. Jose Manuel Romualdez na may nilulutong bagong kasunduan ang Pilipinas at Amerika para ipangpalit sa ibinasurang Visiting Forces Agreement (VFA).
“Actually kausap ko si Ambassador Romualdez, tinatanggi niya ‘yun. Parang sinasabi niya pinag-aaralan nila ‘yung mga ibang mga agreements… makakasama at makakabuti sa ating bansa,” ani Panelo.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na walang basbas ni Pangulong Duterte ang ikinakasang military pact.
Ayon kay Panelo, maaring ang counterpart ni Romualdez ang gumawa ng hakbang para magkaroon ng bagong kasunduan ang Amerika at Pilipinas.
Hindi kasi aniya maikakaila na ang Amerika ang pinaka-apektado sa ginawang pagbasura ni Pangulong Duterte sa VFA.
“Wala, walang basbas ni Presidente. Initiative siguro ‘yun ng counterparts ni Ambassador Romualdez. Siyempre, sila ang apektado, eh kaya sila ang magi-initiate ng mga magandang panukala,” sinabi nito.
Nilinaw pa ni Panelo na sa ngayon, rekomendasyon pa lang naman kay Pangulong Duterte ang pagkakaroon ng bagong kasunduan.
Ayon kay Panelo, hindi na mababago ang posisyon ni Pangulong Duterte na maging self-reliant ang Pilipinas at hindi na umasa sa ibang bansa para ipagtanggol ang sariling bayan.
“Even assuming na totoo ‘yun, eh ‘yun ay puro rekomendasyon lang kay Preisdente. Si Presidente, and posisyon remains unchanged. Gusto niya pa rin na matanggal ang VFA. Gusto niya talagang maging self-reliant tayo. ‘Yun ang pinaka-punto niya,” dagdag pa ni Panelo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.