Sec. Abaya inirekomendang sampahan ng kasong graft dahil sa MRT contract

Joseph-“Jun”-Abaya
Inquirer file photo

Sinabi ng Senate sub-committee on public services na nakakita sila ng mabigat na ebidensya para maisama sa mga dapat kasuhan ng graft si Department of Transportation and Communications (DOTC) Sec. Jun Abaya kaugnay sa ilang anomalya sa loob ng MRT-3 operations.

Nakapaloob sa 45-page sub-committee report na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe ang ilang rekomendasyon para sa Ombudsman, Department of Justice at Civil Service Commission para sampahan ng kasong katiwalian ang kalihim.

May kaugnayan ito sa maanomalyang pag-aaward ng multi-million dollar contract sa PH Trams at CB&T bilang mga private maintenance contractor ng MRT.

Dismayado rin si Poe dahil tanging si dating MRT General manager Al Vitangcol lamang ang kinasuhan ng Ombudsman sa Sandiganbayan kaugnay sa nasabing maanomalyang kontrata.

Bilang signatory sa kontrata, sinabi ni Poe na malaki ang pananagutan ni Abaya dahil ibinigay ang kontrata sa grupong wala namang maayos na record sa train operations.

Bukod sa nalugi ng malaking halaga ng salapi ang pamahalaan, sinabi sa ulat na lalong nagdusa ang publiko dahil mas lumaki ang sira sa buong MRT 3 system.

Ito rin ang sinasabing dahilan kung kaya’t naging madalas ang pagtirik ng mga trains ng MRT.

Magugunitang kinasuhan ng paglabag sa anti graft and corrupt practices act si Vitangcol dahil sa pag-aaward ng kontrata sa PH Trams at CB&T na nagkakahalaga ng $1.5Million kada buwan.

Napag-alaman din na isa sa mga incorporator ng nasabing mga kumpanya na si Arturo Soriano ay Uncle-in-law mismo ni Vitangcol.

Read more...