Bagong patakaran sa political ads inilabas na ng Comelec

By Chona Yu February 03, 2016 - 05:25 PM

comelec bldg
Inquirer file photo

Binago na ng Commission on Elections (Comelec) ang patakaran sa pagbo-broadcast ng mga political ads para sa 2016 elections.

Nabatid na gagawin nang kada broadcast network o originating station ang itinakdang airtime limit base sa Comelec Resolution 100-49 na nagsisilbing implementing rules and regulations ng Fair Elections Act.

Nakasaad sa resolusyon na ang mga kandidato sa national position ay mayroong hanggang 120 minuto na air time advertisement sa kada istasyon ng telebisyon at 180 minuto naman sa kada istasyon ng radyo.

Taliwas ito sa ipinatupad ng Comelec noong 2013 elections na pinapayagan lamang ang mga kanditado na makapag-broadcast ng 120 minutes na airtime sa lahat na ng tv at radio stations.

Para sa mga kandidato sa lokal na posisyon, ang bawat kandidato ay mayroong 60 minutes air time advertisement limit sa kada istasyon ng telebisyon at 90 minuto naman sa kada istasyon ng radyo.

Kinakailangan ang patalastas ay samahan ng audible words na “political advertisement paid for,” at dapat sundan ng totoong pangalan ng kandidato o partido na makikinabang sa election propaganda.

Una nang idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema noong 2014 ang pagtatakda ng Comelec ng aggregate airtime limit sa political advertisement dahil labag umano ito sa freedom of expression, freedom of speech at press freedom.

 

TAGS: comelec, Political Ads, Radio, TV, comelec, Political Ads, Radio, TV

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.