Ayon kay Velasco, hindi totoo na may pinaplano siyang kudeta laban kay Cayetano at ginagamit pa ang isyu ng national budget at ang prangkisa ng ABS-CBN.
Malayo anya ito sa katotohanan dahil susundin niya ang hatian nila ng termino ni Cayetano.
Bukod dito, wala din umano siyang balak na sirain ang kasunduan dahil siya ay lalaking may isang salita.
Naniniwala si Velasco na pinapalutang lamang ito para lumikha ng dibisyon o mahati lalo ang mga kongresista.
Naniniwala rin si Velasco na gawa lamang ng isang taong may pansariling interes ang isyu ng kudeta upang buwagin ang samahan ng mga mambabatas, magambala at magulo ang mga kongresista sa pagtupad sa kanilang mandato at madiskaril ang isinusulong na legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte.