Task force para sa animal-borne diseases, binuo ni Pangulong Duterte
Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatatag ng national task force para pigilan ang pagpasok ng mga animal-borne diseases pati na ang pag-contain at pag-control nito sa bansa.
Tugon ito ng pamahalaan para maagapan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.
Base sa executive order number 105 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong February 21, pinabubuo ang task force ng polisiya at regulasyon para matugunan ang animal-borne diseases.
Pinababalangkas din ang task force ng national risk reduction program at comprehensive framework para matiyak na hindi kakalat ang anumang sakit na galing sa hayop.
Ang kalihim ng Department of Agriculture (DA) ang magsisilbing chairman habang vice chairman naman ang kalihim ng Department of Health (DOH).
Kasama sa task force ang Executive Secretary; Secretary, Department of the Interior and Local Government (DILG); Secretary, Department of Environment and Natural Resources (DENR); Secretary, Department of Trade and Industry (DTI); Secretary, Department of Finance (DOF); Secretary, Department of Budget and Management (DBM); Secretary, Department of Social Welfare and Development (DSWD); Secretary, Department of Foreign Affairs (DFA); Secretary, Department of Transportation (DOTr); Secretary, Department of National Defense (DND)
Inaatasan ang task force na magsagawa ng zoning plans at pagpapaigting sa public awareness campaign.
Pinaghahanap naman ang DBM ng mapagkukunan ng pondo para sa task force.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.