Narco-politics sa ilang mga lalawigan kinumpirma ng PDEA

By Den Macaranas February 03, 2016 - 03:15 PM

cacdac
Inquirer file photo

Aminado si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Arturo Cacdac na umiiral na ang narco-politics sa ilang lalawigan sa bansa.

Tugon ito ng nasabing opisyal sa ginawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kung saan ay nauna nang sinabi ni Cacdac na lumobo noong 2015 ang bilang ng mga kawani ng pamahalaan na naaresto dahil sa illegal drug trade.

Sinabi pa ni Cacdac na isang Board Member mula sa lalawigan ng Masbate ang kanilang naaresto pero tumanggi na siyang magbigay pa ng ibang detalye tungkol dito.

Isang dating Municipal Mayor at isang Election Registrar naman ang kanilang nahuli sa Lasam Cagayan dahil din sa iligal na droga pero tumanggi naman siyang pangalanan ang mga ito.

Isa sa nakikitang dahilan ng opisyal kung bakit inaasahang tataas ang bentahan ng droga ngayong panahon ng eleksyon ay ang kawalan ng “source” o pera ng mga kandidato na kanilang gagamitin sa pangangampanya.

Lumutang din sa ginawang pagdinig ng Senado na malaki ang epekto ng pork barrel sa drug problem dahil posibleng droga ang siyang maging paraan ng ilang mga pulitiko para maka-kuha ng kanilang gagamiting pondo sa eleksyon.

Sa ulat ng PDEA, noong 2015 ay umaabot sa 191 ang bilang ng mga government personnel ang kanilang naaresto dahil sa pag-gamit at pagbebenta ng iligal na droga kung saan ang nasabing bilang ay higit na mataas kumpara sa mga nakalipas na taon.

TAGS: Cacdac, Cagayan, Masbate, narcopolitics, PDEA, Cacdac, Cagayan, Masbate, narcopolitics, PDEA

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.