Tuluyan nang giniba ang dalawang palapag na kubol ni Herbert “Ampang” Colangco sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Ang kubol ni Colangco na convicted robbery gang leader ay giniba ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa ika-15 Oplan Galugad na isinagawa Miyerkules ng umaga.
Si Colangco kasama ang iba pang mga preso na itinuturing na VIPs o very important prisoners ay inilipat sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos matuklasan ang magarbo nilang pamumuhay sa loob ng bilibid.
Nagawa pa ngang makapag-release ng record album ni Colangco habang nakakulong sa bilibid gamit ang sariling recording studio sa loob ng bilangguan.
Umabot pa sa platinum ang sales ng kaniyang album at nagawa niya pang makapag-concert.
Sa raid naman ng mga otoridad sa kubol ni Colangco at sa iba pang mga selda, na-recover ng raiding team ng mga sumpak, bala ng shot gun, kutsilyo, TV sets, cable wires at iba’t-ibang internet routers.
Tiniyak naman ni Supt. Richard Schwarzkopf, Jr. na masusundan pa ang kanilang Oplan Galugad para tuluyang maubos ang mga kontrabando sa bilibid.