Bagong batas kontra terorismo, lusot sa Senado

Sa boto na 19-2, lumusot na sa Senado ang Anti-Terrorism Act of 2020 na ipapalit sa Human Security Act of 2007.

Si Sen. Panfilo Lacson, ang may-akda ng Senate Bill No. 1083 at aniya ito ay magbibigay ng ngipin sa batas kontra terorismo.

Tanging sina opposition Senators Francis Pangilinan at Risa Hontiveros ang hindi sumang-ayon sa panukala.

Ayon kay Lacson, magkakaroon na ng mas matatag na criminal justice kontra terorismo at bibigyan din nito ang awtoridad ng dagdag kapangyarihan para lubos na protektahan ang mamamayan.

Dagdag pa nito, mas mabibigyang proteksyon din ang mga karapatan ng mga inaakusahan ng mga krimen na nakapaloob sa panukala.

Nakasaad sa panukala na maaring hatulan ng life imprisonment without parole ang mga mapapatunayan may kinalaman sa terorismo at magbibigay suporta sa mga terorista.

Babayaran din ng kalahating milyong danyos kada araw ng kanilang pagkakakulong ang mga lilitisin ngunit mapapawalang sala sa mga kaso na may kaugnayan sa terorismo.

Kontra sina Pangilinan at Hontiveros sa panukala sa pangamba nila na maaring maging daan ito para maabuso o malabag ang karapatan ng mamamayan.

Read more...