Sa dalawang pahinang liham ng House Committee on Legislative Franchises, ipinag-utos nito na pagkalooban ng provisional franchise ang Lopez-led broadcast corporation epektibo sa Mayo 4, 2020.
Ito anya ay upang makapagpatuloy ng operasyon ang ABS-CBN habang hindi pa nagpapasya ang Kongreso sa franchise renewal.
Nakasaad sa liham nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Rep. Franz Alvarez na inatasan na ng komite ang lahat ng mga partido na magsumite ng position paper maging sila man ay pabor o hindi para ma-renew ang prangkisa ng network.
Mayroon anilang 60 araw ang lahat ng partido para makapagsumite nito sa komite mula Ferbruary 24, 2020.
Iginiit din ng mga ito sa liham na ang House of Representatives ang may exclusive original jurisdiction upang magbigay ng authority sa franchise applications.
Sa nasabi ring liham, pinabibigyan din ng liderato ng Kamara sa NTC ng provisional authority ang ABS-CBN Convergence, Inc., Sky Cable Corporation at Amcara Broadcasting Network, Inc. habang nakabinbin ang kanilang renewal application sa Kamara.
Pinalalagyan din ng Kamara sa NTC ng mga kondisyon ang ipagkakaloob ng provisional franchise sa ABS-CBN.